Image may contain: 2 people, outdoor
Image may contain: 7 people, people sitting and child

Ano nga ba ang hangganan ng kayang ibigay ng ina sa kaniyang mga anak?

Nadatnan naming itinatali ni Gemma Ramos, 33, ang mga produktong gulay na kaniyang ibebenta. Ang mga ito ay inani niya mismo sa munti nilang gulayan. Binabantayan siya ng kaniyang 12 taong gulang na anak na si James habang inaalagaan ang kaniyang dalawang nakababatang kapatid na sina Rico, 2 at ang 4 na buwang si Robin.

“Andito sina maam! Halina kayo dito!” tawag ni Gemma sa iba pa niyang mga anak.

Nagtatakbo naman papalapit sa amin ang tatlo pang mga anak ni Gemma na sina Jerry, 8; Estrande, 7; at Jimrick, 5.

“Kumusta kayo? Kumusta na ang mga SLK ninyo?” tanong ng tagapayo ni Jerry sa ikatlong baitang na si Bb. Rhea S. Cortez.

Napangiti lamang si Jerry. Alam na alam ni Maam Rhea ang kahulugan ng ngiting iyon ni Jerry. Iniabot ng bata ang SLK sa guro. Hindi nga nagkamali si Maam Rhea dahil ni isang guhit ng tinta sa activity booklets ng bata maging ng dalawa niyang mga kapatid ay hindi mababanaag.

“Kumusta naman ang paggabay mo sa pagsagot ng mga anak mo sa SLK, Gemma?” tanong naman ni Gng. Jeane N. Espejo, ang tagapayo ni James sa ikaanim na baitang.

“Maam, sila lang ang sumasagot. Hindi ko naman kasi alam ang nilalaman ng mga iyan. Minsan, pumupunta sila sa kapitbahay para magpaturo.”

“Ang mister mo, hindi na kayang turuan ang mga anak ninyo?” patuloy ni Maam Jeane.

“Maam, maghapon po siya sa bukid. Kagaya ko maam, hindi rin po siya nakapagtapos. Hindi po naming alam pareho kung ano ang isasagot sa mga iyan,” ani Gemma.

Ito ay isang realidad. Isa rin itong pagmulat. Nakakalungkot ngunit ito ay isang kuwentong nagkukubli sa likod ng lente ng edukasyon sa bagong normal.

Apat sa mga anak ni Gemma ang nag-aaral na sa elementarya. Sina James, Jerry at sina Estrande at Jimrick na magkaklase sa Kindergarten. Natigil ng isang taon si Estrande kaya’t magiging kaklase na nito ang nakababata niyang kapatid. Ang panganay nilang kapatid na si Patrick ay nasa ikapitong baitang naman.

Kung trabaho rin lang ang pag-uusapan, hindi matatawaran ang sipag at tiyaga ng mag-asawang Richard at Gemma. Sa pagsasaka nila kinukuha ang pantustos sa pangangailangan ng pito nilang mga anak.Hindi pa man tumataas si Haring Araw ay naghahanda na sila pareho upang manguha ng mga gulay na ititinda o di kaya’y magtungo sa bukid upang magsaka. Bago umalis at pagkarating sa bahay ay inaasikaso ni Gemma ang mga anak. At kagaya ng lahat ng magulang, ipinagdarasal din nilang maging maliwanag ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Bago pa man pormal na nag-umpisa ang taong panuruan 2020-2021, ikinabahala na ng mga guro sa Mababang Paaralan ng Conconig ang magiging kalagayan ng mga mag-aaral na may mga magulang na hindi nakapagtapos kahit man lang ng elementarya. Totoo ngang mas magaan ang modyular na paraan ng pagkatututo kumpara sa online dahil wala na silang gagastusin; ngunit para sa ibang inang kagaya ni Gemma, tila makulimlim pa rin ang hangarin nilang hindi magaya sa kanila ang kanilang mga anak. Totoo ngang maging activity booklets ay ibinigay na rin ng mga guro upang hindi na sila bumili ng notebooks ngunit pasanin pa rin kay Gemma kung paano niya maituturo sa mga anak ang isusulat sa booklets. Totoo ngang modyul ang gagamitin at hindi na kailangang mamroblema sa internet at signal, ngunit para sa ibang mga ina malaking suliranin kung kanino hihingi ng saklolo sa pagsagot sa mga modyul ng anak.

“Hindi ko kasi talaga alam maam kahit anong gawin ko, kaya ipinapakiusap ko na sana madalaw-dalaw ninyo ang mga anak ko para magabayan sila sa pag-aaral,” nakangiting pakiusap ni Gemma sa amin.

“Siyempre naman, ate!” malugod naming sagot.

Alam nating ang mga ina ang ilaw ng tahanan at kaya niyang gawin ang lahat para sa mga anak ngunit may mga pagkakataong nauupos din ang kaniyang liwanag. Sa ganitong sitwasyon, nakaalalay lamang ang mga guro. Bilang mga pangalawang magulang, tinutugunan ng mga guro ang pagkukulang ng mga magulang sa pangangailangang pang-edukasyon ng mga mag-aaral sa abot ng kanilang makakaya. Hindi natatapos ang pagiging guro ng bagong normal sa paggawa at pagreproduce lamang ng modyul. Tinitiyak pa rin naming na sa kabila ng mga limitasyon, maipararating ang pagkatuto sa pintuan ng bawat tahanan. Sinisigurado pa rin naming nabibigyang-buhay ang bawat konseptong nakapaloob sa bawat modyul. Binibigyang-pansin namin ang mga nangangailangan ng atensiyon.

Ang laban ng bawat pamilya ngayong bagong normal ay laban din ng bawat isang guro. Ang pangarap ng isang ina ay pangarap ng isang paaralan. Sa bawat Gemma sa lipunan ay isang magiting na gurong tutulong, magbibigay-liwanag at mag-aaruga kasama niya. Sa bawat Gemma sa likod ng lente ng edukasyon ngayong pandemiya ay puso ng isang gurong nangangarap kasama siya. 

Source: https://www.facebook.com/DepEd-Tayo-Conconig-Elementary-School-115993143596334